Ang Portable Rental Bond Scheme ay nagbibigay ng pahintulot sa mga nangungupahan na ilipat ang isang kasalukuyang bond (deposito/garantiya ng renta) sa isang bagong paupahang tirahan.
Nangangahulugan ito na maaaring hindi mo kailangang bayaran ang isang bagong buong bond bago ka lumipat.
Maaari kang mag-apply sa pamamagitan ng Residential Tenancies Bond Authority (RTBA). Ang programa ay hindi sapilitan at nagkakahalaga ng $25.
Sino ang maaaring maglipat ng bond
Maaari mong ilipat ang iyong bond kung:
- ang iyong dating bond na hindi pa ibinalik (unclaimed) at hawak pa ng RTBA
- ang iyong dating bond ay hindi suspendido at walang pending (hindi pa lutas) na mga transaksyon
- ang eksaktong kaparehong mga nangungupahan ay nakalista sa kapwa kasalukuyan at bagong bond
- ang mga paupahang tirahan ay parehong nasa Victoria
- lahat ng mga nangungupahan na nakalista sa bond ay sumasang-ayon sa terms and conditions (mga tuntunin at kundisyon).
Sino ang hindi maaaring maglipat ng bond
Hindi ka maaaring maglipat ng iyong bond kung:
- ang mga nangungupahan sa isang share house ay lilipat sa magkakaibang mga paupahang tirahan
- naninirahan ka sa isang rooming house, caravan park o Part4A dwelling (residential park)
- ang iyong bond ay pinondohan ng isang pautang (loan) mula sa Homes Victoria
- may utang ka sa Pamahalaan ng Victoria sa isang dating paglipat ng bond.
Tingnan ang iyong Bond Summary sa website ng RTBA kung maaari mong ilipat ang iyong bond.
Paano maililipat ang iyong bond
- Sabihin sa iyong nagpapaupa o estate agent sa bagong paupahan na direkta mong babayaran ang bond sa RTBA.
- Kapag nasumite na ng iyong tagapagbigay ng renta ang bond request, ang RTBA ay mag-email sa iyo. Dapat mong siyasatin ang mga detalye at kumpletuhin ang paghahain ng bond.
- Kung nararapat ka, kailangan mong mag-opt in (piliin na lalahok), sumang-ayon sa terms and conditions at bayaran ang kabayaran na $25.
- Kung ang iyong bagong bond ay mas mataas kaysa sa iyong kasalukuyang bond, dapat mo ring bayaran ang diperensya.
Mga paghahabol (claims) ng bond at mga hidwaan
Walang pagbabago sa karaniwang proseso ng paghahabol ng RTBA bond o sa proseso ng hidwaan para sa mga paghahabol ng bond.
Kung hindi ka sumasang-ayon sa paghahabol ng bond na ginawa ng isang tagapagbigay ng renta para sa iyong dating paupahang tirahan maaari mo itong tutulan sa pamamagitan ng Rental Dispute Resolution Victoria o VCAT.
Pagkatapos na mailipat ang iyong bond, ang tagapagbigay renta para sa iyong dating paupahan ay maaari pa ring magsagawa ng isang paghahabol.
Kung magtagumpay ang paghahabol, babayaran ng Pamahalaan ng Victoria ang halagang hinabol sa tagapagbigay ng renta para sa dating paupahan, hanggang sa kabuuang halaga ng bond.
Pagkatapos ay kailangan mong bayaran ang halaga sa Pamahalaan ng Victoria.
Kung mayroon kang utang pagkatapos na mailipat ang bond
Kung may utang ka pagkatapos ng isang dating paglilipat ng bond, makikipag-ugnay kami sa iyo tungkol sa mga opsyon ng pagbabayad (repayment options).
May maaaring magamit na mga plano ng pagbabayad kung nakakaranas ka ng kahirapang pinansyal.
Magkakaroon ka ng 8 na linggo upang mabayaran ang halaga. Ipapadala ang mga paalala pagkatapos ng panahong ito.
Hindi mo maaaring magamit ang programa kung may utang ka pa rin mula sa isang nakaraang paglilipat ng bond.
Walang kinakailangan na aksyon mula sa tagapagbigay ng renta.
Kailan isasara ang bond
Isasara ng RTBA ang bond kapag ang balanse ay $0 pagkatapos na nakuha o nailipat ang bond.
Mga karaniwang itinatanong
Ano ang inililipat sa ilalim ng Portable Rental Bond Scheme?
Kung gagamitin mo ang Portable Rental Bond Scheme, ililipat mo ang halaga ng iyong kasalukuyang bond sa iyong bagong paupahang tirahan.
Hindi sakop ng programa ang ibang mga pagbabago sa bond, na katulad ng pagbabago ng mga nangungupahan o ang pag-alis ng mga nangungupahan mula sa isang bond.
Ano ang mangyayari kung ang bond para sa bagong paupahan ay mas mababa kaysa sa aking kasalukuyang bond?
Kung ang bagong bond ay mas mababa kaysa sa iyong kasalukuyang bond, at walang mga paghahabol sa kasalukuyang bond, ang diperensya ay ibabalik sa mga nangungupahan.
Ang pagsasauli ay gagawin sa pamamagitan ng karaniwang proseso sa paghahabol ng RTBA bond.
Maaari ko bang ilipat ang isang bahagi lamang ng aking kasalukuyang bond?
Hindi mo maaaring piliin ang halaga ng iyong ililipat.
- Kung ang halaga ng iyong bagong bond ay magkapareho o mas mataas, ang iyong kasalukuyang buong bond ay ililipat.
- Kung mas mababa ang iyong bagong bond, ang halaga na kinakailangan lamang para sa bagong bond ang ililipat.
- Ang natitirang halaga ay mananatili sa kasalukuyang bond hanggang iyon ay hahabulin (claimed).
Kailangan ko bang lagdaan ang bagong lease (kasunduan ng renta) bago ilipat ang aking bond?
Oo. Dapat mong napirmahan ang lease para sa bagong paupahan ngunit dapat na hindi mo pa nabayaran ang bond para sa paupahan na iyan.
Ilang beses akong pwedeng maglipat ng bond?
Maaari kang maglipat ng bond tuwing lilipat ka sa isang bagong paupahan, basta’t natutugunan mo ang mga patakaran ng pagiging kwalipikado at wala kang utang mula sa isang nakaraang paglilipat ng bond.
Maaari bang ilipat ang isang bond na pinondohan ng pautang mula sa Homes Victoria?
Hindi. Ang mga bond na pinondohan ng isang pautang mula sa Homes Victoria ay hindi maaaring ilipat.
Ito ay dahil ang pautang ay ginawa para sa isang partikular na paupahan. Kapag magtatapos ang tenancy (pangungupahan), tatanggapin ng Homes Victoria ang ibabalik na halaga ng bond.
Maaari kang mag-apply para sa isang bagong pautang para sa bond mula sa Homes Victoria para sa iyong susunod na paupahang tirahan.
Maaari ko bang ilipat ang higit sa isang bond sa isang bagong paupahan?
Hindi. Hindi mo maaaring pagsamahin ang 2 magkakahiwalay na mga bond mula sa magkakaibang mga tenancy upang bayaran ang bond para sa isang bagong paupahan.
Halimbawa, kung ang 2 tao ay magkasamang lilipat mula sa magkakahiwalay na mga paupahan, ang kanilang umiiral na mga bond ay hindi maaaring pagsamahin sa iisang paglipat ng bond.
Maaari bang ilipat ng mga nagrerenta ng isang share house ang isang bond?
Oo, basta’t:
- lahat ng mga nagrerenta ay lilipat sa parehong paupahang tirahan
- lahat ng mga nagrerenta ay nakalista sa parehong mga kasunduan sa renta
- lahat ng mga nagrerenta ay sumasang-ayon sa paglilipat ng bond.
Updated