JavaScript is required

Paano gumagana ang kinder (How kinder works) - Filipino

Ang kinder, na tinutukoy din bilang 'kindergarten' o 'early childhood education', ay isang mahalagang bahagi ng pag-unlad at pag-aaral ng iyong anak. Ang pagsisimula ng de-kalidad na programang kinder sa edad na 3 taong gulang ay makakatulong sa kanila na magkaroon ng mga kasanayan para maging mahusay sila sa buhay at sa paaralan.

Maaari mong ilagay ang petsa ng kapanganakan ng iyong anak sa Calculator ng Panimulang Edad para malaman kung anong taon sila magsisimula ng Tatlo- at Apat-na-Taong-Gulang na Kinder.

Malapit nang dumating ang Pre-Prep

Ang Four-Year-Old Kindergarten ay magiging Pre-Prep, sisimulan sa 2025.

Sa 2026, hanggang 25 oras ng Pre-Prep ang makukuha bawat linggo para sa mga batang:

  • mula sa background na refugee o naghahanap ng asylum
  • kumikilala bilang Aboriginal at/o Torres Strait Islander
  • ang pamilya ay may ugnayan na sa Child Protection.

Walang kaibahan ang programang iniaalok para sa Four-Year-Old Kindergarten at sa Pre-Prep. Ang Pre-Prep ay nag-aalok sa mga bata ng karagdagang oras para matuto at makihalubilo sa pamamagitan ng paglalaro. Ang Pre-Prep ay ihahatid sa pamamagitan ng mga standalone (sessional) na kindergarten at long day care center.

Ang Pre-Prep at Three-Year-Old Kinder ay bahagi ng Free Kinder. Alamin ang higit pa tungkol sa Free Kinder.

Mga oras ng kindergarten

Ang pinondohang mga programa ng Three-Year-Old Kindergarten ay available sa 5 hanggang 15 oras kada linggo. Ang pinondohang mga programa ng Four-Year-Old Kindergarten ay available sa 15 oras kada linggo. Ang mga programang Pre-Prep ay unti-unting tatagal hanggang 25 oras simula sa 2026, at hanggang 30 oras simula sa 2028.

Napatunayang mga resulta

Ang mga batang pumapasok sa isang kinder na programa ay nagsisimulang bumuo ng mga kasanayan tulad ng pagbilang at pagkilala sa mga numero at titik, at paglutas ng mga problema. Ang iyong anak ay magkakaroon ng kumpiyansa at magiging independiyente sa kinder at matututo ng mga kasanayang panlipunan at pandamdamin. Makikisalimuha siya at magkakaroon ng mga bagong kaibigan.

Ipinakikita ng pananaliksik na sa edad na 16 na taon, ang mga estudyanteng nag-aral nang 2 o 3 taon sa kinder program bago nagsimula sa paaralan ay may mas mataas na marka sa Ingles at matematika kaysa sa mga hindi nag-aral sa kinder.

Paano nagtutulungan ang mga magulang at kinder na guro

Ang kinder ay pinakamahusay na gumagana bilang pagtutuwang ng mga magulang/tagapag alaga, pamilya at guro. Bilang magulang/tagapag alaga, ikaw ang pinakamahalagang bahagi ng pag-unlad ng iyong anak. Itinuturo mo sa kanila kung ano ang tama at mali, ang inyong wika, kultura at mga pinahahalagahan gaya ng kabaitan at paggalang. Kakausapin ka ng mga guro kung ano ang nangyayari sa kinder at mga paraan upang matulungan ang iyong anak na magpatuloy matuto sa bahay. Gusto nilang malaman ang tungkol sa mga interes ng iyong anak at kung paano niya gustong matuto.

Maaari mong hilingin sa iyong kinder na guro na mag-organisa ng isang interpreter anumang oras. Ito ay maaaring sa lugar mismo (on-site) o sa pamamagitan ng telepono o video. Walang kasangkot na gastos para sa mga pamilya upang ma-access ang serbisyong ito.

Ano ang nangyayari sa kinder

Hinihikayat ng mga guro ang mga bata na matuto sa pamamagitan ng paglalaro. Maaaring kabilang sa mga aktibidad ang pagguhit, pagkanta, pag-akyat, paghuhukay at pagtakbo sa labas, paglalaro ng mga laruan at pagbasa ng mga libro. Hinihikayat ng paglalaro ang mga bata na gamitin ang kanilang imahinasyon at gumawa ng mga pagtuklas, habang nakikipagtulungan sa iba sa pamamagitan ng pagbabahagi at pagpapalitan. Matututo ang mga bata tungkol sa mga tunog, salita at wika, kabilang ang pagsasalita at pag-unawa ng Ingles.

Ang mga kinder ay bahagi ng ating multikultural na komunidad

Ang mga programa sa kinder ay tumatanggap sa mga magulang mula sa lahat ng pinagmulan upang maging bahagi ng kanilang mga komunidad. Ito ay isang lugar kung saan ang mga magulang ay maaaring magkita-kita at magbahagi ng mga kuwento at matuto mula sa isa't isa.

Gustong malaman ng mga guro ang tungkol sa iyong anak at sa iyong kultura. Nakakatulong ito sa kanila na maghanda ng mga programang makabuluhan para sa iyong anak, kabilang ang mga aktibidad batay sa mga araw at kaganapan sa kultura at ipagdiwang ang pagkakaiba-iba sa Victoria.

Isinasali ng mga guro ang lahat sa mga aktibidad, kaya ang mga batang hindi nagsasalita ng Ingles ay may parehong pagkakataon na maglaro at matuto tulad ng iba. Ang ilang mga kinder na programa ay may mga bilingual na tagapagturo na tumutulong sa mga bata na may kaunti o walang kakayahang magsalita ng Ingles. Tinuturuan din ang mga bata na makibagay at tanggapin ang iba at igalang ang mga pagkakaiba sa kultura.

Mga uri ng programang kinder

Maaaring dumalo ang mga bata sa programang Three-Year-Old kindergarten sa isang long day care center (na tinatawag ding childcare) o sa isang standalone (na tinatawag ding sessional) na serbisyong pang-kinder. Karaniwan, ang mga serbisyong ito ay nag-aalok din ng proramang Four-Year-Old Kindergarten.

Ang long day care center ay maaaring mag-alok ng buong araw ng edukasyon at pangangalaga, kabilang ang isang programa ng kinder. Ang programa ng kinder na pinamumunuan ng guro ay maaaring isama sa karagdagang mga oras ng edukasyon at pangangalaga.

Sa isang standalone service, ang isang programa ng kinder ay patatakbuhin lamang sa partikular na mga araw at sa mga tiyak na oras. Ang isang standalone na serbisyo ay karaniwang pinapatakbo sa loob ng 40 linggo sa isang taon sa panahon ng termino ng paaralan at may mga bakasyon kasabay ng mga paaralan. Ang mga araw at oras na ito ay itinakda ng serbisyong pang-kinder.

Updated