Tungkol sa Kinder Kit mo
Para sa mga bata, magkasabay ang paglalaro at pag-aaral. Ang paglalaro ang paraan kung paano natutuklasan at natututunan ng mga bata ang tungkol sa kanilang sarili at sa mundo sa kanilang paligid. Isang malaking bahagi ng paglalakbay na iyon ang mga magulang at pamilya. Lahat ng nasa Kinder Kit ng anak mo ay dinisenyo para pagsaluhan at i-enjoy bilang isang pamilya.
Sa kindergarten, ginagamit ang Victorian Early Years Learning and Development Framework (VEYLDF) para lumikha ng mga karanasan sa pag-aaral na susuporta sa anak mo na lumago at umunlad sa limang resulta ng pag-aaral at pag-unlad. Ang limang resultang ito ay:
- Pagkakakilanlan
- Komunidad
- Kagalingan
- Pagkatuto
- Komunikasyon
Mga Cube ng Pagkukuwento (Storytelling Cubes)
Ang pagkukuwento ay mahalagang bahagi kung paano naiintindihan ng mga bata ang kanilang pang-araw-araw na karanasan. Sinusuportahan nito ang pagkatutong bumasa at sumulat at tinutulungan silang maunawaan kung paano makipag-usap sa mga tao sa kanilang paligid.
Matutulungan mo ang anak mo na matuto ng mga bagong salita gamit ang mga cube sa Ingles o iba pang wika.
- Maghalinhinan, pangalanan ang mga larawan
- Bumuo gamit ang mga ito
- Magkuwento
- Magtanong
Mga krayola at Art Pad
Nagbibigay ng maraming paraan para matuto ng pagguhit gamit ang mga krayola:
- pagpapabuti ng mga fine motor skill tulad ng paghawak ng lapis
- hand-eye coordination
- pag-aaral ng kulay at hugis
- pagpapahayag ng pagkamalikhain gamit ang papel at iba pang materyales.
Pinakamahalaga, matututo ang anak mo na ipahayag ang kanyang sarili nang ligtas at may kumpiyansa. Maaaring gumawa ang ilang bata ng mga guhit na hindi mo mawari at okay lang ito. Natural na proseso ito ng pagkatutong gumuhit.
- Gamitin ang Art Pad para pumukaw ng mga ideya
- Hikayatin ang mga karanasan sa pagguhit ng pamilya
- Mag-usap habang nagdo-drowing ka
- Pangalanan ang mga kulay at hugis
Mga Butil
Ang pagtatanim ng mga butil kasama ang mga bata ay isang mayamang karanasan sa pag-aaral na nakabatay sa agham na nagbibigay-daan sa kanila para mamangha sa kalikasan. Matututo sila tungkol sa kalikasan, bumuo ng wika at matutong sumunod sa mga simpleng tagubilin. Matututunan din nila kung paano obserbahan ang mga bagay sa pagdaan ng mga araw.
- Pag-usapan ang tungkol sa mga halaman at pangalanan ang kanilang mga bahagi
- Magkasama ninyong itanim ang mga ito
- Suriin ang paglaki tuwing umaga
- Pangalanan ang prutas at gulay sa palengke
Pagpasok ng Sinulid sa mga Hayop
Habang bata pa, nagsisimulang magkaroon ng kontrol ang mga bata sa maliliit na kalamnan sa mga kamay, daliri, wrist, paa, at daliri sa paa. Ang pagpapaunlad ng mga kalamnan para sa fine motor sa mga kamay at daliri ay mahalaga para sa pangangalaga ng mga bata ng kanilang sarili at para sa pagsusulat sa kalaunan. Mapapaunlad ng anak mo ang kanyang mga fine motor skill sa pamamagitan ng paggamit ng playdough, krayola o pagpasok ng sinulid sa mga hayop. Narito ang ilang paraan kung paano mo maaaring sanayin ang mga fine motor skill:
- Ipasok ang lace sa mga butas ng hayop
- Pagbubukas at pagsasara ng Kinder Kit
- Pag-ensayo sa pagsara at pagbukas ng zipper o butones
- Pag-roll ng playdough gamit ang mga kamay at daliri
Playdough
Kapag gumagamit ang anak mo ng playdough para lumikha, gumagawa sila ng iba't ibang napakahalagang bagay:
- pagpapabuti ng mga fine motor skill
- paggamit ang kanilang mga pandama para tumuklas
- paggamit ng kanilang imahinasyon.
Ang paglikha gamit ang playdough ay isang mahalagang bahagi ng pagkatuto ng anak mo.
- Magpagulong ng bola, ipukol ito, pukpukin ito, pisilin ito
- Pag-usapan ito
- Magdagdag ng iba pang bagay tulad ng mga patpat o balahibo o shell
- Gumawa ng mga pattern gamit ang anumang mahahanap mo
Mga Librong Pambata
Ang pagbabasa ng mga libro nang sama-sama ay isang mahusay na paraan para maging malapit sa isa't isa at magpalipas ng oras bilang isang pamilya. Isa ito sa pinakamahalagang paraan para suportahan ang pag-unlad ng pagbasa at pagsulat. Ang pagbabahagi ng regular na oras ng pagkukuwento sa anak mo ay magpapahusay sa kanyang imahinasyon at bokabularyo.
- Magkasamang pumili ng libro
- Maghanap ng komportableng lugar para pumuwesto at magbasa
- Hayaan siyang maglipat ng mga pahina
- Iba-ibahin ang boses para sa mga tauhan, pag-usapan ang mga larawan
Mga Gumagawa ng Musika
Maraming benepisyo ang musika para sa pagkatuto at pag-unlad ng mga bata. Isang masayang paraan ang paglikha ng musika para matuto ang anak mo ng mga bagong salita, kumanta na kasama ang pamilya at maging maganda ang pakiramdam tungkol sa kanilang sarili. Ang sumayaw, kumanta, gumalaw, tumalon-talon at magpatunog ng mga castanet ay bahagi ng kasiyahan.
Narito ang ilang ideya para mag-enjoy sa musika kasama ang anak mo:
- Sumayaw at gumiling sa paboritong kanta mo
- Bilangin ang mga kumpas (beat) para magturo ng mga numero
- Mag-ensayo ng mga maiikling kantang patula
- Gumamit ng mga castanet para bilangin ang mga pantig sa mga salita
Kit na Lalagyan ng mga Gawain (Kit Activity Case)
Higit pa sa isang lalagyan ang Kit na Lalagyan ng mga Gawain para dalhin ang mga libro at mga laruan - maaari itong gamitin para suportahan ang pagkatuto at pag-unlad sa maraming paraan. Mahusay para sa paglalaro ng magnet, playdough at pag-drowing ang mga ibabaw ng whiteboard. Itupi ang Kit para maging easel. Ilatag ang Kit para magamit ang berdeng ibabaw para sa malikhaing laro. Maaari itong tanawin sa karagatan o kalye ng lungsod. Ilarawan ang paraan ng paglalakbay mo sa Kinder. Narito ang iba pang paraan ng paggamit ng Lalagyan ng Kit:
- Mag-drowing ng mga bagong mundo
- Playdough na playmat
- Carry case para sa mga libro o mga laruan
- Bilang prop sa kunwa-kunwariang paglalaro
Idinisenyo bilang isang produktong mabuti sa kalikasan ang Lalagyan ng Kit ng Gawain. Hangga't maaari, gawa sa mga na-recycle na materyales at idinisenyo para magamit-muli bilang imbakan ng mga alaala sa kindergarten ng anak mo.
Pagbuo ng Komunidad
Isang magkakaiba-ibang komunidad ang Victoria, tahanan ng maraming kultura at iba't ibang sinasalitang wika. Ang pagkakaiba-iba ay malaking bahagi ng kung sino tayo. Ang mga item sa Kit ay sumusuporta sa mga pag-uusap tungkol sa iba't ibang komunidad.
- Para sa mga bata, magkasabay ang paglalaro at pag-aaral. Ang paglalaro ay kung paano natutuklasan at nalalaman ng mga bata ang tungkol sa kanilang sarili.
- Gamitin ang playdough para magpanggap na gumagawa ng pagkain mula sa ibang kultura, o sa sarili mong kultura
- Patunugin ang mga castanet habang nakikinig sa tradisyonal na musika mula sa ibang kultura, o mula sa sarili mong kultura
- Kausapin ang anak mo tungkol sa ibang mga bansa at kanilang mga katutubong hayop
Mga Aklat sa Auslan
Lahat ng libro na kasama sa 2023 Kinder Kit ay may magagamit na mga pagsasalin sa Auslan. Kasama rin sa mga video ang Auslan at nakasulat na pagpapaliwanag (captioning).
Ang Auslan ay sign language na ginagamit ng karamihan sa komunidad ng Australian Deaf at bahagi rin ng Victoria's Early Childhood Languages Program na makukuha sa ilang Four-Year-Old Kindergarten.
Natuklasan ng mga dalubhasa sa edukasyon na maraming benepisyo ang pag-aaral ng mga bata ng ibang wika sa murang edad, kabilang ang:
- nadagdagan ang mga kasanayan bago makapagbasa (pre-reading) at makapagsulat (pre-writing)
- cognitive flexibility (kakayahang ibagay ang pag-aasal o iniisip sa iba't ibang sitwasyon)
- pagpapalakas ng pagpapahalaga sa sarili at kagalingan
- pinalakas na pagkakakilanlan ng kultura.
Paggalang sa Pagkakakilanlan
Ang mga kultura ng ating mga tao ng First Nations ay isang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng Australia. Ang paghikayat sa lahat ng bata na matuto tungkol sa lahat ng mga kultura ay nagdudulot ng pang-unawa, pagtanggap at pagmamalaki. Ipinagmamalaki naming ipagdiwang sa mga Kit ang aming mga may-akda at mga tagapaggawa mula sa First Nations. Ang mga storyblock, halimbawa, ay naglalarawan ng makulay na tradisyon ng pagkukuwento ng mga Aboriginal. Narito ang ilan sa aktibidad na makakatulong sa anak mo na matuto nang higit pa tungkol sa mga tradisyon at kultura ng mga tao sa First Nations:
- Alamin ang mga simbolo ng Aboriginal para sa mga hayop o mga bagay
- Pag-usapan ang tungkol sa mga pinuno ng Aboriginal o mga bayani sa palakasan
- Alamin ang higit pa tungkol sa mga kultura at mga tao ng First Nations
Kagalingan at Karagdagang Suporta
Lahat ng mga bata ay natututo sa magkakaibang paraan at sa kaniya-kaniyang bilis. Nag-aalok ang Kinder Kit sa anak mo ng mga aklat at mga laruan na maaaring gamitin sa maraming iba't ibang paraan para hamunin ang lahat ng kakayahan. Ngunit kung minsan kailangan mo ng karagdagang suporta para sa pagkatuto ng anak mo. Kung sa tingin mo ay kailangan mo o ng anak mo ng karagdagang suporta, may ilang paraan para magawa mo ito:
- Ang mga guro sa kindergarten ng Victoria ay may mga kasanayan at kaalaman na makakatulong. Kausapin ang guro ng anak mo tungkol sa iyong mga tanong
- Magpa-appointment para magpatingin sa doktor mo o maternal at child health nurse para talakayin ang iyong mga katanungan
- Tawagan ang Parentline sa 13 2289 para sa libre at kumpidensyal na pagpapayo at suporta
Ang mga Kinder Kit ay Ligtas at Inklusibo
Lahat ng mga item sa Kinder Kits ay tumutugon sa mga nauugnay na pamantayan sa kaligtasan at angkop para sa mga batang tatlong taong gulang na pumapasok sa Kinder.
May kaunting mga item na may maliliit na bahagi at hindi angkop para gamitin ng mga batang wala pang tatlong taong gulang.
Ito ay ang mga whiteboard marker at ang magnetic whiteboard eraser, na may maliit na magnet na nakapaloob sa bandang gitna nito.
Ang mga item na ito ay malinaw na minarkahan ng angkop na mga babala sa labas ng pakete at dapat lamang gamitin para sa nakasaad na layunin.
Kung mayroon kang anak o bata na wala pang tatlong taong gulang, mangyaring itago ang mga item na ito kung saan hindi nila ito makukuha.
Tulad ng lahat ng mga laruan para sa mga bata sa lahat ng edad, ang mga magulang at tagapag-alaga ay dapat palaging sinusuri ang mga ito bago gamitin at itapon kapag napunit at nasira na.
Reviewed 22 September 2023