JavaScript is required

Magalang, ligtas, nakikilahok: magkakatulad na mga inaasahan upang suportahan ang pag-uugali ng estudyante - Filipino

Sama-sama, lumikha tayo ng mga ligtas na paaralan kung saan ang lahat ay kabilang, natututo, at umuunlad.

Kapag nagtutulungan ang mga paaralan, pamilya at mga estudyante, nakakamit natin ang pinakamahusay na mga resulta. Ang mga pakikipagtuwang na ito ay mahalaga sa paglikha ng mga kapaligiran sa paaralan na sumusuporta sa lahat ng mga estudyante na mapabilang, matuto at umunlad. Bilang magulang at tagapag-alaga, mahalaga ang tungkuling ginagampanan ninyo sa pagtulong sa inyong anak na maunawaan at matugunan ang mga inaasahan sa kanilang pag-uugali sa isa't isa.

Paano ipinapakita ng mga estudyante ang inaasahang pag-uugali

Sa paaralan, ang lahat ng mga estudyante ay inaasahang maging magalang, ligtas, at nakikilahok. Nakakatulong ang mga pag-uugaling ito na gawing isang lugar ang mga paaralan kung saan maaaring magtagumpay ang lahat.

Natutugunan ng mga estudyante ang mga inaasahan sa pag-uugali sa pamamagitan ng pagiging magalang, ligtas at nakikilahok.

Magalang

  • Sumusunod sa mga tagubilin ng kawani at mga tuntunin ng paaralan.
  • Pinapangalagaan ang pag-aari ng paaralan at ng ibang tao.
  • Gumagamit ng magagalang na pananalita.

Ligtas

  • Pinapanatiling ligtas laban sa pinsala ang kanilang sarili at ang ibang tao.
  • Nagbibigay ng opinyon o humihingi ng tulong sa isang taong nasa hustong gulang kung sila o ang ibang tao ay hindi patas na tinatrato.
  • Nagdadala lamang ng ligtas at kinakailangang mga bagay sa paaralan.

Nakikilahok

  • Pumapasok sa paaralan araw-araw, nasa oras, at handang matuto.
  • Sumasali, ginagawa ang kanilang makakaya, at humihingi ng tulong kapag kailangan nila.
  • Inaalam at sinusunod ang mga patakaran ng paaralan, kabilang ang patakaran sa mobile phone.

Paano makakatulong ang mga magulang at tagapag-alaga

Sa pamamagitan ng pagmomodelo at paghikayat ng positibong pag-uugali, tinutulungan ninyo ang inyong anak na bumuo ng mga kasanayan at gawi na kailangan niya upang maging matagumpay sa paaralan. Kapag nagtutulungan ang mga pamilya at paaralan, makakamit ng mga estudyante ang kanilang pinakamahusay na makakaya.

Makakatulong ang mga magulang at tagapag-alaga na suportahan ang pag-uugali ng kanilang anak upang maging:

Magalang

  • Pag-alam sa mga tuntunin ng paaralan at pagsuporta sa kanya sa tahanan.
  • Pagmomodelo ng magalang na pag-uugali kung paano kayo nakikipag-usap at nag-uusap tungkol sa mga kawani ng paaralan, pamilya, at iba pa nang harapan at sa online.
  • Gumagamit ng mga proseso ng paaralan upang ipahayag at lutasin nang maaga ang mga alalahanin.

Ligtas

  • Pakikipagtulungan sa mga kawani kung ang inyong anak ay mayroong mga problema sa paaralan upang maunawaan at malutas ang isyu.
  • Pagtiyak na alam ng inyong anak na okey lang na humingi ng tulong sa isang taong pinagkakatiwalaan na nasa hustong gulang sa paaralan.
  • Pagtiyak na mananatiling ligtas ang inyong anak sa online sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kanya at pagtugon sa mga alalahanin nang maaga.

Nakikilahok

  • Pagtulong sa inyong anak na pumasok sa paaralan araw-araw – bawat araw ay mahalaga.
  • Pakikipag-usap sa mga kawani ng paaralan at pagtutulungan upang suportahan ang pag-aaral at kapakanan ng inyong anak.
  • Pakikipag-usap sa inyong anak tungkol sa kanyang araw at kung ano ang kanyang nararamdaman, at paghikayat sa kanyang pag-aaral sa pamamagitan ng pagpuna sa kanyang pagsisikap at pag-unlad.

Alam namin na ang ilang mga estudyante at ang kanilang mga pamilya ay nahihirapan sa pagpasok sa paaralan o pag-navigate sa pagtanggi ng paaralan. Narito ang ilang mga mapagkukunan na makakatulong:

Paano sinusuportahan ng mga paaralan ang mga estudyante upang matugunan ang mga inaasahan sa pag-uugali

Sa pamamagitan ng pagtuturo at pagpapatibay ng positibong pag-uugali, tinitiyak ng mga paaralan ang positibo, ligtas at patas na kapaligiran sa pag-aaral na may pagtuon sa pag-aaral at kabutihan.

Sinusuportahan ng mga paaralan ang mga pamilya at estudyante sa pamamagitan ng pagiging magalang, ligtas at nakikilahok.

Magalang

  • Pagtuturo at pagpapakita sa mga estudyante ng mga alituntunin ng paaralan at mga inaasahan sa positibong pag-uugali.
  • Malinaw na pagtuturo, pagmomodelo at pagkilala sa inaasahang magalang na pag-uugali.
  • Pakikipag-ugnayan at positibong kolaborasyon sa lahat ng mga estudyante, magulang at tagapag-alaga.

Ligtas

  • Ang pagkakaroon ng malinaw na mga patakaran at pamamaraan upang maiwasan at tumugon sa pambu-bully at panatilihing ligtas ang mga estudyante.
  • Nag-aalok ng maagap na mga karagdagang suporta sa mga estudyante, at pagsuporta sa mga kanila sa pagsasabi ng opinyon at paghingi ng tulong.
  • Aktibong pagtukoy at pagtugon sa mga problema upang mapanatili ang isang pisikal, sosyal at kultural na ligtas na kapaligiran ng paaralan.

Nakikilahok

  • Paghahatid ng edukasyong batay sa ebidensya at inklusibo, na tumutugon sa mga pangangailangan ng lahat ng mga estudyante.
  • Pagbibigay-kapangyarihan sa mga estudyante na makapagbigay ng opinyon sa mga desisyon na makakaapekto sa kanilang pag-aaral at buhay-paaralan.
  • Bumuo ng matatag, mapagkakatiwalaang mga relasyon upang matiyak na ang lahat ng mga estudyante ay makadama na sila ay nakikita, pinapakinggan at pinahahalagahan.

Ang Kagawaran ng Edukasyon ay nagbibigay ng mga mapagkukunan at suporta para sa mga paaralan upang bumuo ng positibong pag-uugali ng estudyante at magtaguyod ng mga positibong relasyon sa pagitan ng mga paaralan, estudyante at pamilya.

Saan maaaring humingi ng tulong ang mga magulang at tagapag-alaga

Kung nag-aalala kayo tungkol sa kapakanan, pag-uugali o kaligtasan ng iyong anak, maaari kayong:

  • Makipag-usap sa guro ng inyong anak o sa natukoy na contact person bilang unang hakbang at sundin ang proseso ng paaralan para sa pakikipag-ugnayan sa mga alalahanin.
  • Humingi ng suporta o referral sa paaralan - maaari nila kayong iugnay sa mga kawani ng kalusugan o sa mga serbisyo ng espesyalista.
  • Makipag-ugnayan sa rehiyonal na tanggapan ng Kagawaran ng Edukasyon kung kailangan ninyo ng karagdagang tulong.

Makukuha rin ang mga sumusunod na mapagkukunan:

Updated